Thursday, June 6, 2013


                         Sa Tabi ng Dagat

                                                        by Ildefonso Santos


Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata'y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari'y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni't walang ingay,
hangganq sa sumapit sa tiping buhangin...
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba't halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata'y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw...
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan.



                                 Ang Awit ni Maria Clara


Kay tamis ng oras sa sariling bayan,
Kaibigan lahat ang abot ng araw,
At sampu ng simoy sa parang ay buhay,
Aliw ng panimdim pati kamatayan.


Maalab na halik ang nagsaliw-saliw
Sa labi ng inang mahal, pagkagising;
Ang pita ng bisig as siya'y yapusin,
Pati mga mata'y ngumgiti mandin.


Kung dahil sa bayan, kay tamis mamatay,
Doon sa kasuyo ang abot ng araw;
Kamatayan pati ng simoy sa parang

Sa walang pag-ibig, ni ina, ng Bayan.